Hinanakit ni Buwan

Gustong-gusto mo tuwing sumasapit ang gabi. Madalas mong inaabangan kung magpapakita ba ang buwan at ang mga bituin. Kaya naman napangiti ako nang makita kang muli habang dumudungaw mula sa iyong bintana. Ang sarap pala sa pakiramdam ng maging isang buwan; ramdam na ramdam ko ito sa tuwing makikita ko ang aking repleksyon sa iyong maningning na mga mata. Ngunit ako naman si tanga, umasang muli na magtatagal ang iyong mga titig sa akin; iyon ay mabilis na sulyap lang pala. Oo nga pala, buwan ako. Buwan lang ako. Hindi nga pala ako yung bituin na inaabangan mo para bulungan ng iyong mga sikreto at hiling. Wala rin naman kasing silbi kung ako’y mas malaki at mas maliwanag kumpara diyan sa mumunting mga bituin, kung hindi rin naman ako ang inaabangan mo para maging saksi ng iyong matatamis na mga ngiting dapat sana’y para sa akin.

Binabawi ko na; hindi pala masarap maging isang buwan. Masakit pala na maging isang tagapanood lang sa kung paano umabot ang iyong ngiti sa iyong mga mata sa tuwing aliw na aliw ka sa pagkislap ng mga bituin.

Buwan ako . Buwan lang ako. At hindi ako kailanman magiging isang bituin na gabi-gabi mong inaabangan sa pagbabakasakaling mahuhulog sa tapat ng inyong hardin. Pasensya na ngunit hindi ko kayang maging isang bituin na maaaring tumupad ng iyong mumunting mga hiling.

 amazing-dreams-galaxy-magic-Favim.com-2855189 (1)