Punuan mo ang kawalan na nararamdaman. Kailangan kita. Paumanhin, ngunit kung pwede sana ay sa lalong madaling panahon din. Maari bang hayaan mo ako na makita ka na? Na makilala ka na? Kailangan kita. Hindi ko alam kung sino ka, sapagkat hindi pa naman kita nakikilala. Ni pangalan mo ay hindi ko pa alam. Maaring sa ngayon ang kinausapan ko lang ay ang kawalan. Ngunit uulitin ko pa rin — kailangan kita. Isinusulat ko lang ito upang magsilbi bilang isang munting paalala. Na hindi ko na siguro talaga kayang mag-isa. Na hindi na ako masayang ako lang. Kailangan na kita. Hindi sa lalong madaling panahon kundi ngayon na. Ngayon. Na.

Nakasalubong na kaya kita? Nakatabi? Nakausap? Nasilayan? Ano kaya ang pangalan mo? Saan kaya tayo unang magkikita at magkakausap? Ang daming ano, saan, paano at kailan. Ngunit ang gustong-gusto ko na malaman ay kung kailan at saan nga kaya natin mararamdam sa isa’t isa na “tangina, ito na. Nahanap ko na siya.

Gusto ko sana ay magpakita ka na ngunit gusto ko rin ay ‘wag muna. Kailangan na ba talaga kita ngayon na o kailangan lang kita pansamantala? Kailangan ba kita ngayon na o sa isang bukas pa? Sa isang linggo? Sa isang buwan? Sa isang taon?

Kailangan kita. Kailangan kita? Kailangan na nga ba talaga kita?

Hindi pa yata.

Tama nga ata na hindi ka muna nagpapakita o nagpapakilala man lang.

‘Wag muna siguro talaga.

Hindi pa ito ang tamang oras para tayo ay magkita.