Isang araw ay di na ako magiging pabigat sayo.
Isang araw ay tila ba mababawasan na rin ang timbang mo.
Isang araw ay mararamdaman mo rin na gagaan ka ulit.
Isang araw ay hindi na rin ako dadagdag sa timbang mo
dahil sa wakas ay hindi ko na ipagsisiksikan ang sarili ko sa’yo.
Pero sa ngayon, magtiyaga ka muna sa bigat ng timbang mo
dahil naniniwala pa rin ako may lugar ako sa’yo.
Kakapit pa rin ako nang mahigpit na mahigpit.
Yayakapin pa rin kita hanggang sa hindi ka na makahinga.
Hahalikan at lalagyan ko ng marka ang bawat parte ng katawan mo.
Masarap kasi sa pakiramdam na maaalala mo ako
sa t’wing titingin ka sa kahit anong parte ng katawan mo.
At syempre susubukan ko pa rin kung
baka kaya,
baka pwede,
na may tiyansang balutin ko na rin ang puso mo.
Nagbabakasakali lang naman.
‘Wag ka na sana magalit sakin.
‘Wag mo na sana ako kamuhian.
Pero sanay naman na talaga ako e.
Sanay na ako na maging isang pabigat lang sa’yo.
Ngunit sana matandaan mo rin noong mga panahon na
kahit anong pagpapaalala nila
na iwasan at tigilan mo ang kung anong mga bawal,
ikaw ang nagdadahilan na
“Wala e, gusto ko kasi e.”
Kaya ‘wag mo isumbat sa’kin na nalinlang ka lang sa tamis,
na kapalit pala ay ang aking pagdating at hindi na pag-alis.
Ikaw ang unang gumusto;
Ikaw ang unang nagpumilit;
Ikaw ang nagsimula;
kaya ikaw rin ang magtapos.
Tanungin mo muna ang sarili mo kung
desidido ka na talagang mawala ako.
Ikaw ang magdesisyon
dahil alam mong patuloy kong ipagsisiksikan ang sarili ko
kung hindi ka gagawa ng plano
sa kung paano ako tuluyang maglalaho sa buhay mo,
sa kung paano mo ako mapipilit na tuluyan nang bumitaw sayo.
— Iyong taba
Mema to. No judging HAHA.